PanimulaAng Banal na Espiritu ang ikatlong Persona sa "Trinity", na ipinadala ng Ama at ng Anak upang manahan sa mga mananampalataya matapos ang pag-akyat ni Jesu Kristo sa langit (Juan 14:16–17; Gawa 2:1–4). Ang Kanyang gawain ay hindi lamang upang aliwin ang mga mananampalataya kundi upang baguhin ang kanilang buhay, bigyang-kapangyarihan ang Iglesia, at isulong ang misyon ng Diyos sa buong mundo. Kung wala ang Banal na Espiritu, ang Kristiyanismo ay mauuwi lamang sa isang sistema ng mga paniniwala at mga aral tungkol sa mabuting asal. Ngunit sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, nararanasan ng mga mananampalataya ang bagong buhay, ang Iglesia ay nagiging buhay na katawan ni Cristo, at ang misyon ng Diyos ay patuloy na umaabot sa bawat bansa.
Sa pag-unawang ito, ating tatalakayin kung paano binabago ng Banal na Espiritu ang bawat mananampalataya, ang Iglesia, at ang misyon ng Diyos, na nagpapakita na ang Kanyang gawain ay mahalaga at kailangang sa buhay at ministeryo ng bawat Kristiyano.
1. Binabago ng Banal na Espiritu ang mga Mananampalataya
Ang unang gawain ng Banal na Espiritu ay ang personal na pagbabago ng tao.
Binabago Niya ang:
- Ating puso – mula sa paghihimagsik tungo sa pag-ibig sa Diyos.
- Ating pag-iisip – mula sa makamundong pananaw tungo sa pag-iisip na nakasentro kay Cristo.
- Ating pagkatao – sa pamamagitan ng pagluwal ng bunga ng Espiritu sa ating buhay.
- Ating mga hangarin – pinapalitan ang makasariling ambisyon ng taimtim na pagnanais na kalugdan ang Diyos.
Hindi lamang pinagbubuti ng Banal na Espiritu ang panlabas na pag-uugali; lumilikha Siya ng isang bagong pagkatao. Ang mananampalatayang patuloy na nagpapasakop sa Banal na Espiritu at unti-unting nagiging higit na katulad ni Cristo.
Tanungin natin ang ating sarili: "Ang aking buhay ba ay lalong nagiging katulad ng buhay ni Jesus?" Ang tunay na espirituwal na paglagong-gulang ay hindi nasusukat sa dami ng ating nalalaman, kundi sa lawak ng pagkakitang si Cristo ay nahahayag sa ating buhay.
2. Binabago ng Banal na Espiritu ang Iglesia
Hindi lamang binabago ng Banal na Espiritu ang bawat indibidwal; bumubuo rin Siya ng isang pamayanang puspos ng Kanyang presensya.
Binabago Niya ang Iglesia sa pamamagitan ng:
- Pagkakaisa ng mga mananampalataya sa kabila ng magkakaibang pinagmulan at kalagayan.
- Pagkakaloob ng mga espirituwal na kaloob para sa ministeryo at paglilingkod.
- Paglinang ng tunay na pag-ibig at pakikisama
- Pagbibigay-kapangyarihan sa pagsamba, pananalangin, at paggawa ng mga alagad.
- Pagpapatibay sa katawan ni Cristo upang ito ay maging ganap at may espirituwal na pagkamaygulang.
Ang isang iglesiang puspos ng Banal na Espiritu ay hindi lamang kilala sa mga kahanga-hangang programa, kundi sa banal na pamumuhay, pagkakaisang nakabatay sa Salita ng Diyos, mapagsakripisyong pag-ibig, at tapat na paglilingkod.
Hindi kailanman dapat umasa ang Iglesia lamang sa karunungan ng tao, sa mga personalidad, o sa mga estratehiya. Ang ating pinakamalaking pangangailangan ay ang patuloy na mapuspos at patnubay ng Banal na Espiritu.
3. Binabago ng Banal na Espiritu ang Misyon
Ang Banal na Espiritu ang pangunahing kapangyarihang kumikilos sa likod ng misyon ng Diyos.
Siya ang:
- Nagbibigay ng katapangan upang ipahayag si Cristo.
- Gumagabay kung saan at kailan maglilingkod.
- Nagbubukas ng puso ng mga tao upang tanggapin ang ebanghelyo.
- Nagkakaloob ng mga espirituwal na kaloob para sa ebanghelismo at paglilingkod.
- Nagpapalakas at nagpapatatag sa mga misyonero sa gitna ng kahirapan at pag-uusig.
Paulit-ulit na ipinakikita ng aklat ng Mga Gawa na ang bawat malaking pagsulong ng ebanghelyo ay naganap sa ilalim ng patnubay at kapangyarihan ng Banal na Espiritu.
Ang misyon ng Diyos ay hindi naisasakatuparan sa pamamagitan lamang ng sariling pagsisikap ng tao, kundi sa pamamagitan ng kapangyarihang nagmumula sa Diyos.
Kaya ang mahalagang tanong ay hindi, "Kaya ko bang maglingkod sa Diyos?" kundi, "Lubos ba akong nagpapasakop sa Banal na Espiritu na nagbibigay sa akin ng kapangyarihang maglingkod?
Konklusyon
Ang Banal na Espiritu ang banal na kasangkapan ng Diyos sa pagbabagong-buhay. Siya ang nagbibigay ng bagong buhay sa mga makasalanan, nagpapabanal sa mga mananampalataya, nagbibigay sa kanila ng kapangyarihan upang maglingkod, pinag-iisa ang Iglesia, namamahagi ng mga espirituwal na kaloob, gumagabay sa ministeryo nito, at nagpapasulong sa misyon ng Diyos hanggang sa mga dulo ng daigdig.
Ang pagbabagong dulot ng Banal na Espiritu ay ganap at sumasaklaw sa buong buhay—binabago Niya ang puso ng tao, hinuhubog ang pamayanan ng mga mananampalataya, at isinusulong ang pagpapahayag ng Ebanghelyo sa iba't ibang kultura at bansa.
Habang patuloy na nagpapasakop ang mga mananampalataya sa Banal na Espiritu, lalo silang nagiging katulad ni Cristo. Habang sinusunod naman ng Iglesia ang Kanyang patnubay, lalo itong lumalago sa pagkakaisa at espirituwal na pagkamaygulang. At habang binibigyang-kapangyarihan ng Banal na Espiritu ang misyon ng Iglesia, ang mensahe ng kaligtasan ay patuloy na umaabot sa lahat ng mga bansa.
Kaya't ang Iglesia ay hindi dapat umasa sa lakas, karunungan, o kakayahan ng tao, kundi sa patuloy na presensya at kapangyarihan ng Banal na Espiritu upang maisakatuparan ang layunin ng Diyos na tubusin ang sangkatauhan at ipahayag ang Kanyang kaligtasan sa buong mundo.